Wednesday, October 18, 2006

Pagsilang


Totoo nga ang edukasyon ang magiging sandigan ng isang kabataan, ng kanyang sarili para sa kinabukasan at kanyang pagkatao.
Sabi nga nila e "Kaya ka nag-aaral ay para di ka lang umunlad, kundi para maging mabuti kang tao."
E pano kung mag-aaral ka pa lang ay minulat ka na pera ang dahilan ng pag-aaral mo?
Na makakatapos ka sa paaralang ito kung may pera ka.
Na pera ang simula at katapusan ng pag-aaral mo.

Masakit ang realidad na may mga paaralang ganon. Na pilit binubuhay at pinapatakbo ng kayamanan. Na mas mahalaga pa ang tuition fee kaysa sa mga mag-aaral dito. Na mas pinapahalagahan ang tubo kaysa sa kalidad ng pag-aaral.

Ang resulta, mga kabataang namulat at pinamulat na di mo makukuha ang gusto mo kung wala kang ganito kalaking pera.
Na wala kang kakayahang makapasok at makapag-aral dito kung wala kang datung.
Na ang paaralang ito ay pang-mayaman.

At unti-unti mo pa lamang malalaman na mahirap ka...

At kung may idealismo ay iwaglit mo na sa isipan mo ito, dahil di ka matutulungan nito. Sa murang edad ay ipinakita at ipinamulat sayo na ganon ang takbo ng mundo, na walang puwang ang idealismo.

Masasabi ko sa sarili kong mapalad ako dahil sa buhay na ito ay nakatagpo ako ng mga taong alam kong di makakapasok sa "paaralang" binabanggit ko.
Mga taong totoo. Nabubuhay at binubuhay ng katotohanang alam kong nakita rin nila sa mga nauna nilang mga guro.
Minsan nga ay napagbintangang janitor yung isang propesor ko sa pilosopiya dahil sa suot-suot niyang gulanit na damit at pantalon. At walang dalang ibang gamit kundi sigarilyo, kape at chalk na katiting.

Masarap makatagpo ng mga taong ganito. Lalo na kung may mga kasama ka ring mag-aaral na tulad mo rin.
Magiging inspirasyon at lakas mo ang mga sundalong ito sa panahon ng iyong pag-aalala. Pag-aalalang kayamanan na lang talaga ang simula at katapusan ng tao, na wala nang mga taong nagmamahal sa ideya, sa nagbibigay sa kagandahang moral ng pamumuhay, sa pagtulong at pagmamalasakit sa mga taong maliliit at naghahanap ng pansin, sa pagpapasarap ng mga bagay na di nahahawakan, sa pagpapatawad ng mga kaluluwa.

Sana sa makababasa nito, maramdaman niyo rin ang nararamdaman ko. Sana makatagpo kayo ng mga taong mapagkumbaba kong naikwento.

Sana maintindihan natin at maisabuhay ang mga natutunan natin nung tayo ay elementarya pa.